Wednesday, July 22, 2009

[ stript dart ]

NAALALA KO minsang nag-iinuman kami ng tropa at batung-bato na sa mga kuwentong paulit-ulit habang nagda-darts. May nag-suggest na maglaro kami ng kakaibang laro:

STRIP DART.

Simple lang ang rules:

  1. Iinom ng isang basong beer bago tumira sa dart board.
  2. Babato ng tig-dalawang darts ang bawat kasali sa laro.
  3. Ia-add ang total points ng dalawang throws.
  4. Everyone will have one turn to throw.
  5. Ang pinakamababang score pagkatapos ng isang round ng batuhan ay mag-aalis ng isang saplot na nakasuot sa katawan.

Ala-una na ng madaling araw. Nasa garahe kami ng isang bahay. Pumayag ang lahat. Mga walo kaming tipsy na kasali sa kaistupiduhang ito.

Unang round: tanggalan ng relo, singsing, kuwintas, cellphone at sapatos ang mga lowest score. Easy. Tawanan ang lahat.

Round two: T-shirts, medyas, sinturon. Tawanan pa rin.

Pangatlong round: Heto na ang unang biktima na may pinakamababang iskor. Nakapantalon na lang siya kaya ito na ang susunod na matatanggal. Tawanan lalo. Alaskahan nang todo. “Hubad naaaa! Hahaha!”

Susunod kaya siya sa pinagkasunduan? Sa kanya nakasalalay ang tagumpay ng palaro.

“’Tang-ina ‘pag hindi kayo sumunod, yari kayo sa akin!” sabay tanggal ng jeans. Halakhakan ang lahat! Tahulan ang mga aso sa labas. Parang nakikitawa rin sa hitsura ng isang mataba na ari na lang ang may takip.

Round four and five: Naka-underwear na lang ang lahat by this time. Maginaw na ang hangin. Pero tawanan pa rin tuwing may nakakapansin ng mga bilbil sa tiyan, hindi pantay-pantay na kulay ng balat dahil sa sinag ng araw at mga parte ng katawang maraming balahibo kahit hindi dapat.

Round six: May tao sa gate! “Tao poooo!”

Si Mang Cando, isang respetadong manginginom ng baranggay. Pumasok siya bigla sa gate gaya nang nakagawian niya sa bahay na ‘yun. Akala niya kakilala niya ‘yung mga nag-iinuman.

Hindi na kami nakakilos lahat. Lasing. Hubad. Nilalamig. Paano?

Napatigil kami. Napatigil din si Mang Cando sa nakita niya: Mga hubad na lasing sa kanyang harapan.

Puro kami lalaki.

“Yaaaaaaahhhh!!!” nagsisigaw siyang tumakbo palabas ng bahay.

“Putang-ina! Mga bakla! Patawarin kayooo!!!”

Mula noon hindi na siya uminom ng alak.

Hindi na rin kami nag-darts.

Pero tuwing nakikita namin si Mang Cando, kinikindatan namin siya.

Sabay tawa.

No comments:

Post a Comment