MAG-ISIP KA!!!
ANG LAMAN NG ISIP
Isang Ikasampung bahagi lamang daw ng lakas ng isip ng tao ang ginagamit niya sa araw-araw. One tenth lamang. Katiting kung tutuusin.
Kung baga sa sampung daliri ng ating mga kamay, isang kaling-kingan ang ginagamit ng karaniwang tao.
Saan napupunta ang siyam ng bahagi ng lakas ng isip? Natutulog. Nasasayang lamang. Pagkatapos ay magrereklamo tayo. Diyos ko naman, ganito na lamang ba ang buhay ko? Pawang hirap at tiis?
Bakit hindi magamit ng karaniwang tao ang higit sa kalahati ang potensiyal na lakas ng kanyang isip?
Una nga ay hindi niya alam kung papaano niya gigisingin ang tulog niyang isip. Hindi niya alam kung papaano gagamitin ito.
Ikalawa, karamihan sa laman ng isip ay negatibo, hindi kapaki-pakinabang. Ang takbo ng isip niya ay tungo sa kabiguan.
Tingnan natin:
Pagdilat sa umaga, mag-iinin muna nang matagal. Madilim pa naman, aniya. Tinatamad ako, eh. Napuyat ako kagabi, inaantok pa ako. Masakit ang ulo ko. Masama ang pakiramdam ko.
Kung malamig at giniginaw mamamaluktot at magkukulubong sa higaan. At kapag nahuling pasok sa trabaho, sisisihin ang trapik. Ang mga pulis. Ang mga sasakyan. Ang mga mabagal na tsuper. Ang nagsisiksikang mga pasahero.
Ganyan. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos negatibo ang laman ng isip niya. Galit, Selos, Imbot, Inggit, Alinlangan, Aburido, Sama ng loob, Lungkot, Kawalang-pag-asa, Kabiguan, Katamlayan, Katamaran, Paglilimayon, Paglalasing, Pakikipagbarkada, Pagpapalipas ng oras, Away, Sigawan, Sisihan. Mga negatibong bagay. Negatibong emosyon. Pamapabigat sa kalooban. Pamapadilim sa pananaw sa buhay. Pampalubha sa kawalang-pag-asa..
At pabalik-balik. Paulit-ulit na mga kaisipang hindi nakakapagpapasigla. Saka niya sisihin ang Diyos o mga kapitbahay kapag napasubo ng away, o nabigo sa pakay. Halimbawa’y nabigo sa pag-ibig. Iisipin kaagad, magpapakamatay na. Wari bang napakahirap lumigaya at maging masaya. Wari bang pinagmalupitan sya ng panahon. Gayong napakabait ng panahon. Mabiyaya ang panahon. Kaya tuloy lumalaganap ang mga psychosomatic diseases, mga sakit na likha ng isip sa katawan. Na likha ng mga negatibo at hindi nakakapagpapasiglang kaisipan. Ang masamang kaisipan ay lumilikha ng masamang reaksyon, ng mga kemikal sa loob ng ating katawan.
Iyan ang mga pinatutunayan ng mga pananaliksik. Sa kabilang dako, ang masigla at masayang isipan ay nagpapasigla rin at nagpapalusog sa katawan! Pagka’t malaki ang impluwensya ng iyong isip sa anumang nangyayari sa iyong damdamin at katawan.
Tingnan mo naman ang mga matagumpay na tao. Malusog ang kanilang isipan. Masigla. Hindi kabiguan ang unang naiisip pagkagising. Bago matulog, nagbabalak, paggising nagbabalak. At laging tagumpay ang nasa isip. Sila’y nagpupunyagi, nagsisikap, gumagawa, tumutulong, nakikipagkaibigan, gumagawa ng mga contacts, nagtatrabaho, lumilikha ng mga bagong ideya o produkto, nakikipagkapwa-tao, nagpapasensya, hindi nakikialam sa buhay ng may buhay, hindi naninirang-puri kundi humahanga pa nga.
Ang mga positibong isip ay laging nakatutok sa tagumpay. Sa ibang salita, positibo ang kanilang isipan – “Positive thinker” sila.
Ang karaniwang tao ay negative thinker. Laging tinatamad ang isip. Ang tamad at litong isip uulitin ko, ay madaling tumigas, katulad ng semento. Ang aktibong isip ay katulad ng agos na laging masigla sa paghahanap ng landas.
Sumakit lang ang iyong ulo, paulit-ulit mo nang sinasabi sa iyong sarili at sa ibang tao na masakit ang iyong ulo. Nagkangiwi-ngiwi ka pa. Bagay na lalo ngang lumulubha. Aalagaan mo na ‘yan. Hindi ka na papasok sa opisina o sa eskuwela. Para kang may sakit na napakabigat. Pero saan ka, kung magdadaan ang barkada mo at yayayain kang magsine o maglakuwatsa, mabilis sa pa sa alas-kuwatrong magbibihis upang sumama!
Subukin mo ito: Kapag masakit ang iyong ulo paggising sa umaga, ulit-ulitin mong sabihin sa iyong sarili na maaalis ang sakit ng iyong ulo. Ngumiti ka. Mag-ehersisyo hanggang pawisan ka. Mag-jogging pa kung gusto mo. Igalaw-galaw ang iyong ulo. Isipin mong lagi na hindi na masakit ng ulo mo. Makikita mo maya-maya ay wala na ang sakit ng iyong ulo. Bakit? Kasi, may batas ang isipan na hindi mapapasubalian: kung ano ang lagi mong iniisip, iyan ang mangyayari sa iyo. Tingnan mo ang taong may ambisyon nakakamit niya ang ambisyon. Pagka’t iyan ang laging laman ng kanyang isip.
Ikaw may ambisyon ka ba? Paano mo magagamit ang ambisyon sa iyong pag-unlad?
MAG-ISIP KA!
IPAKITA MO SA KANILA!
Ambisyon….May ambisyon ka ba? Ano ba ang ambisyon? Bakit kailangan ng tao ito? Lahat ng tao ay may ambisyon. Mithiin. ‘Yon bang gusting-gusto mong makamit. O mangyari sa buhay. Halimbawa’y mag-artista, mag-aral, makapag-asawa ng maganda, makapag-abroad, makapagtayo ng negosyo, maging empleyado, yumaman, maging kilalang singer o entertainer, mag doctor, maglingkod sa gobyerno. kahit ano. Basta gusting-gusto mong makamit. Na oras na nakamit mo’y ikaw na yata ng pinakamaligaya at pinakamatagumpay na tao sa daigdig. Ngunit sa pagitan ng iyong hangarin at pagtatagumpay ay nakaamba ang maraming hadlang, obstacles. At diyan nakikilala ang tunay na tao at ang taong bigo. Mahabang lansangan ang nasa pagitan ng hangarin at tagumpay. Maraming sagabal. Dito makikilala ang tunay mong pagkatao.
Hindi ang mga pangyayari sa daan ang mahalaga sa kanya. Hindi ang sagabal. Hindi ang pagkakadapa. Hindi ang batikos sa kanya. Ang mahalaga sa kanya ay ang nangyayari sa kanyang kalooban, sa kanyang sarili. Ang pagbabago ng kanyang pananaw sa buhay. Ang pagbabagong-bihis ng kanyang pag-iisip. Sa halip na maawa siya sa sarili dahil sa “kamalasan” itutulak pa ang kanyang sarili upang labanan ang mga sagabal hangang sa magtagumpay siya. Ganyang kahalaga sa kanya ang kanyang hangarin. Ito ang nagtutulak sa kanya upang magsikap pang lalo. Kung wala kang ambisyon o hangarin, wala kang dahilan upang sabihin, kung di man sa iyong sarili, ay sa lahat; “Ipapakita ko sa inyo na ako ay magtatagumpay rin!”
Lahat tayo’y may ambisyon, ngunit di lahat ay nagkakamti ng kanilang ambisyon. Hindi sapagakat kulang sila ng pagkakataon, o ng tulong, o ng puhunan. Kulang sila ng pananalig sa kanilang sarili. Hindi sila naniniwala na walang imposible sa daigdig na ito.
Sa unang bagsak pa lamang nila’y sasabihin na nilang “hindi maaari ito.” Ngunit ang lahat ay maaari. Ang anumang maaaring isipin mo ay maaari. Naririyan na ‘iyan, hindi mo lamang nakikita pagka’t hindi mo pa nabubuo. Ngunit naririyan na.
Tingnan mo ang isang kubo. Ang lahat ng materyales na ginamit sa pagpapatayo niyan ay nariyan na. Ang ginawa lamang ni Tatang ay kumuha ng kawayan, ng kugon, ng panali, at ng ilan pang kagamitan, saka pinagsama-sama ang mga materyales na ito sa iasng balangkas. At naging kubo. Huwag mong sabihing mas magaling sa iyo si Tatang. O si Engr. Pedro kaya nakapag tayo siya ng malaking gusali. O kaya nakakasulat tayo ng ganito. O si Dr. Juan kaya nakakagamot. Talagang mas magaling sila sa iyo sa larangang pinasok at pinag-aralan nila.
Ngunit hindi sila ang mahalaga para sa iyo. Hindi ang galing nila ang pinapantayan mo. Wala kang laban sa kanila. Ang mahalaga ay ilabas mo ang pinakamabuting magagawa mo. At diyan higit kang magaling sa kanila. Ang mahalaga ay kung papaano mo gagamitin ang iyong nalalaman upang makamit mo ang iyong ambisyon.
Nasa iyo ang lakas at dunong na gagamitin. Walang makakaagaw o makakakuha niyan sa ‘yo maliban sa Diyos sa iyong kamatayan. Nasa iyo ang pagkakataong gumawa ng pinakamabuti mong magagawa para sa iyo at para sa pamilya mo at para sa kapwa mo.
Naaabot ng isip mo ang pinakamalayong maaari mong maabot. Ang totoo, walang limitasyon ang maabot mo. Ikaw lamang ang makapagtatakda ng limitasyong iyan.
Kapag sinabi mong hindi maari ang isang bagay, hindi na nga maaari para sa iyo. Ngunit para sa iba, maari iyon. Hangga’t sinasabi mong hindi maaari, hindi nga maaari para sa iyo. Ngunit sa sandaling palitan mo ang paniniwala mong iyan, mag-iiba na rin ang sasabihin mo.
Si Edison ay kung ilang daan ulit na nabigo sa pag-imbento ng ilawang bombilya. Hindi niya sinabing hindi maaari. Iginiit niyang maaari. At naimbento nga niya ang bombilya. Noong 1873, ikinulong so Coppersmith nang gumawa siya ng isang kagamitang maaaring makapag-usap ang dalawang tao nang magkalayo. Mag-uusap sila sa pamamagitan ng alambre. Kinutya siya. Itinuring siyang luko-luko. Papaano makakapag-usap ang dalawang taong magkalayo sa pamamagitan ng tinawag niyang “telepono?”
Pero ngayon, ang nasa Pilipinas ay puwedeng makipag-usap sa isang taong nasa Amerika sa telepono.
Kung walang imposible na katulad ng sinasabi ni Gresham, papaano mo naman magagamit ang iyong isip upang makamit mo ang iyong hangarin sa buhay?
Sa kasalukuyan, ayon sa pag-aaral mga diyes porsiyento lamang ng lahat ng tao sa daigdig ang nakikinabang sa kayamanan ng mundo. Sila ang mayayaman at may sobrang yaman. Ang nubenta porsiyento ay katulad mo, katulad ko, katulad natin, na naghihikahos.
Papaano tayo magkakaroon ng pagkakataong makibahagi sa kasaganaan ng kalikasan?
ANG LAMAN NG ISIP!
NASA PAGGAMIT NG ISIP
Lahat ng tao ay pare-parehong binigyan ng Diyos ng kalayaan at pagkakataong magtagumpay o mabigo. Para tayong isang pamilya---KAPUSO O KAPAMILYA!
Kung lima kayong magkakapatid, pare-pareho kayong kaparti sa kayamanan o kahirapan ng inyong pamilya. Nguni’t tiyak na sa inyong lima ay may higit na matagumpay, mayroon naming hindi gaanong matagumpay. Bakit? Hindi sapagka’t di pantay-pantay ang pagkakataong ibinigay sa inyo ng inyong mga magulang. Kundi sapagka’t hindi kayo pare-pareho sa paggamit ng inyong isip. Kung kayo’y tigsasampung libo. Hindi magkakapareho ang paggagamitan ninyo ng pera. Ang isa’y sa negosyo, Ang ikalawa’y ibabangko. Ang ikatlo’y ipag-aaral. Ang ikaapat ay ipaghahapi-hapi. Ang ikalima’y ibibili ng bahay at lupa. Sino sa akala ninyo ang magtatagumpay o yayaman sa kanilang lima?
Hindi ang halagang sampung piso ang mahalaga kundi kung papaano mo ginamit ang halagang iyan. “Walang imposible” wika ni Bresham sa kanyang librong “Nothing is Impossible” kung gagamitin mo lamang ang iyong natatagong lakas. At ang lakas na iyan ay ang iyong isip.
Ang mga taong bigo, wika pa niya, ay umaasa sa tulong ng iba pagka’t sila’y mahihina. At dahil doon ay lalo pa silang hihina.
Ngunit ang taong matagumpay ay gumagamit ng lakas ng kaloob sa kanya ng lumikha. At walang hanggan ang lakas na iyan. Nasa kanya na. Kailangan lamang gamitin niya.
Sabi ng isang pilosopo: Maaaring hulmahin mo ang luwad upang gawing sisidlan at pira-pirasuhin ang salamin upang gawing bintana; ngunit ang iyong pakikinabangan ay ang mga guwang doon. Ngunit hanggang hindo mo ginagamit ang potensyal na lakas ng iyong isip ay hindi mo makakamit ang iyong hinahangad.
Tingnan mo ang karaniwang empleyado. Gumagawa ito ng naaayon lamang sa gawaing ibinibigay sa kanya. Hindi siya nagkukusa. Sa liit ng suweldo niya, aniya, “bakit ba ako gagawa ng labis sa tungkulin ko? Sa kanya, ang trabaho ay pagkukunan lamang ng suweldo!
Wala pang alas-dose, kumakain na. Wala pang als-singko, nakapagligpit na sa mesa niya. At makikipag-unahan sa bundy clock. Masarap ang imbay ng kamay habang nakikipag-unahan sa daan. Tuloy sa sine, Liligaw-ligaw, makikipag-inuman. Pagdating sa bahay aawayin si misis. Ganyan pasarap lamang siya.
Iba ang masigasig na empleyado. Hindi man inuutusan ay nagkukusang gumawa. Lumilikha siya ng mga bagong idea o pamamaraan upang umunlad pa ang kanilang kumpanya. Hindi sarili lamang ang iniisip, kundi pati ang kapakanan ng kumpanya at ng kanyang mga kasamahan.
Sa kanya, ang trabaho ay tuntungan lamang upang makamit ang kanyang minimithi. Di magtatagal, matataas siya ng tungkulin, sabay taas ng suweldo. Tulad ng dati, masigasig pa rin. At lalo pa ngayon. Alam niya na walang natatapos kung walang trabaho. Sa kanya kung mas maraming ginagawa, mas maraming natatapos. At alam niya na habang siya’y abala ngayon, mas marami naman siyang pagkakataong mag-libang pagkatapos niyon. Enjoy siya sa trabaho. Ikaw ay hindi. Inip na inip ka sa maghapon. Pagkatapos ay naiinggit ka sa kanya. Galit ka sa kanya. Galit ka rin sa inyong boss pagka’t ‘ika mo’y hindi ka man lang isinaalang-alang ganong kaytagal mo na sa opisina. Bakit ka naunahan ng iyong ke-empleyado?
May ambisyon siya. Ikaw ay wala. Kay sigasig siya. Ikaw ay wala. Naiigsian siya sa oras sa maghapon. Ikaw naman ay nahahabaan. Siya kapag nakatapos ng isang trabaho, magsisimula na naman sa isa. Kung tapos na niyang lahat, magtatanong ng gagawin pa sa kanya sa nakatataas.
Ikaw kapag natapos ang trabaho, tama na. At ang trabaho sa kanila ay pagkukunan lamang ng perang pambili ng ikabubuhay sa araw-araw. Sa kanya ang trabaho ay bukal ng kasiyahan.
At pag nabigo minsan hindi siya nagmumukmok o nagagalit. Bagkus babangon muli, magsisimula na naman ng isang bagong gawain. Wala siyang siyang sinisisi. Hindi naninisi. Ang kabiguan, sa kanya ay isa lamang baitang ng hagdan patungo sa tagumpay.
Iba ka sa kanya gayong wala ka ng ambisyon at pagpupunyagi o sipag sinisisi mo ang lahat matangi ang iyong sarili. Sa palagay mo, nasa iyo na yatang lahat ng kamalasan. Ika mo, Ang isang kabiguan mo ay pinababayan mong magdiin pang lalo sa ‘yo.
Siya, pinahahalagahan niya ang pamana ng kanyang ina, na ganito ang isinasaad:
Kung hindi ka makaraan sa ibaba, pumaibabaw ka, Kung hindi ka makaraan sa kanan, kumaliwa ka. Kung wala ka ng tamang material, kumuha ka. Kung hindi ka makakuha. Humanap ka ng kapalit kung hindi mo mapalitan kumilos ka ng paraan kung hindi mo magawa ng paraan baguhin mo!
Ang taong walang goal ay walang paghahangad na magpursigi. Bakit siya magpupursigi nga naman ay wala naman siyang hangaring makamit sa buhay? Sasabihin natin: talagang ganyan ang buhay, O siguro’y ipinanganak akong mahirap. Ano ang magagawa ko kung ito talaga ang aking kapalaran? Wala akong pinag-aralan eh. Hindi ako nakatapos sa kolehiyo.
Ang taong nasisiyahan sa kanyang buhay, o ginagawa, o kalagayan, ay hanggang doon na lamang. Wala nga makapagtutulak sa kanya upang gumawa ng higit pa sa nararating na niya.
Iba ang mga taong may minimithing kamtin. Hindi sila nasisiyahan sa takbo ng kanilang buhay. At dahil sa hindi sila nasisiyahan ay umiisip sila ng mga paraan upang makamit nila, kahima’t paunti-unti ang kanilang hangarin.
Ang kailangan mo lamang ay MAG-ISIP KA! Gamitin ang iyong imahinasyon at magkaroon ng goal o hangarin nais kamtan