Friday, October 16, 2009

mga bagay na pinagmamalaki ko sa sarili ko

Batid nating lahat na walang taong perpekto. Batid din nating lahat na ang bawat katao ay may kani-kaniyang katangian na siyang bumubukod tangi sa ibang tao. Tulad ko na lamang. Alam ko mayroon din naman akong mga katangian na hindi kaaya-aya ngunit mayroon din naman akong mga katangian na talaga namang aking ipinagmamalaki. Tulad na lamang ng:

1. Ako ay taong may isang salita.

Ang bawat salita o pahayag na aking binitawan ay siyang mananatiling nakakibit sa aking mga labi. Batay na rin sa aking mga karanasan, kay raming mga tao ang hindi nabiyayaan ng ganitong katangian. Tulad na lamang ng isang taong kakilanlan ko na talaga naman nakakapag-init ng dugo.

2. Ako ay taong laging nasa oras.

Kay rami ang nagsasabi na likas na sa mga Pilipino ang hindi dumating sa tamang oras. Ngunit masasabi kong hindi ako Pilipino sa parteng ito. Isa kasi sa mga katangian ko na ayaw ng may naghihintay sa akin. Dahil na rin siguro sa ayaw kong ako ay pinaghihintay. Naniniwala kasi ako na ang oras ay ginto. Hindi ito dapat sayangin sapagkat bawat oras ay mahalaga.

3. Ako ay taong palaban.

Siguro ay tututol ang aking pamilya sa aspetong ito. Ngunit, paniwalaan ninyo man o hindi, pinagmamalaki ko ang katangian kong ito. Ako kasi ay tipo ng tao na hindi nagpapatalo. Ayaw ko kasi na may umaapak sa aking paniniwala at dignidad. Tipikal na Pilipino kung sabihin nga ng iba. Mapa-magnanakaw man iyan o mamamatay tao, lalabanan ko hanggang kamatayan. Ilang beses na yata akong may kinalabang magnanakaw, bagay na tinututulan ng aking mga magulang sapagkat buhay ko daw ang nakataya sa mga sitwasyong iyon. Ngunit naisip ko lang, kung hindi tayo matututong lumaban, patuloy na mamimihasa ang mga taong iyan. Kaya't dapat lamang na ipaglaban natin kung ano ang tama at nararapat.

4. Ako ay taong walang bisyo.

Siguro naman kahit sino ang tanungin ninyo ay sasabihin na ito ay isang maipagmamalaking katangian. Maipagmamalaki kong sasabihin na kailan man ay hindi pa ako uminom, nanigarilyo, o ano mang bisyo na iyan. Kahit kailan pa nga ay hindi pa ako nakakatikim ng kahit "red wine" man lamang.

5. Ako ay taong matipid.

Kuripot na kung kuripot, wala akong pakialam. Basta ang alam ko lamang, matipid at nagiging praktikal lamang ako. Hindi ako ang tipo ng tao na bibili ng simpleng tsinelas (oo tsinelas, hindi flip-flops kasi PILIPINO ako!!!!) o sapatos na nagkakahalaga ng higit isang libo. Kahit ano pa naman ang mangyari ay tsinelas pa rin iyan eh. Saluhan pa rin iyan ng paa at ipang-aapak mo din sa lupa. At kung sakaling bibili man ako ng isang mamahaling bagay (bagay na nagkakahalaga ng higit isang libo) na hindi naman kailangan sa pag-aaral, pag-iipunan ko iyan. Sisikapin kong dukutin ito sa sarili kong bulsa. Oo, ilang beses ko na itong nagawa. Nangyari nga noon ay tiniis ko talagang hindi kumain ng tanghalian para lamang doon. Alam ko kasi na nahihirapan na ang aking mga magulang at ayaw ko namang manghingi gayong LUHO lamang ang aking hihingin.

6. Ako ay tumutulong sa aking pagpapaaral.

Batay sa lahat ng mga katangian na nabanggit, ito ang pinaka-pinagmamalaki ko sa lahat. Bago kasi ako pumasok sa Pamantasan ng De La Salle, batid ko kung gaano kalaki ang matrikula sa pamantasan na ito. Kaya naman sinikap kong magawaran ng scholarship galing ng CHED. Malaking tulong na rin ang P 24,000 kada taon. At hindi pa iyan natatapos. Noong nakaraang taon lamang ay nagawaran naman ako ng pamantasan mismo ng isa pang scholarship. Bale kada trimester, 50% lamang ng aking matrikula ang babayaran ko. Talagang lubos ang pagpapasalamat ko sa Diyos noon dahil napakalaking tulong ito para sa aking mga magulang. Bukod pa doon ay mayroon pa rin akong "educational plan" kung saan nakakakuha din ako ng P 40,000 kada taon. O di ba! Halos wala na rin babayaran ang aking mga magulang, kaya naman lubos talaga ang pasasalamat ko sa Panginoong Maykapal.
Prev: Summer nga ba talaga? Di ko feel eh...
Next: My Debut Party

No comments:

Post a Comment