Ang mga matatalinong tao ay talaga namang hinahangaan. Sa ating paaralan, mayroon tayong tinatawag na valedictorian, salutatorian, at iba pa. May mga patagisan ng talino, at iba pang mga patimpalak na kumikilala sa katalinuhan ng mga estudyante. May mga parangal din. Napakahalaga ng pagiging matalino sa buhay ng isang estudyante. Napagbabasihan ang katalinuhan sa abilidad sa pagkatuto ng isang tao. Ang kapasidad sa pagkatuto ay madalas na namamana sa mga magulang natin. Kung ang mga magulang ng isang estudyante ay matalino at may kapasidad sa pagkatuto, maaari din itong manahin ng kanyang anak. Maaari ding matutunan ang abilidad na ito sa kanyang kapaligiran. Ang isang bata ay maraming natututunan sa kanyang paaralan, kaibigan, at higit sa lahat, sa kanyang tahanan.
Ang kapasidad sa pag-iisip ng mga konsepto ng isang tao ay nakatutulong sa pagpapalawak ng kanyang katalinuhan. Ang isang estudyanteng may kapasidad sa pag-iisip ng mga konsepto ay matatawag na matalino. Ito ay ang abilidad sa pag-iisip sa pamamagitan ng mga konsepto. Ang konsepto ay nakikita kapag ikaw ay nakakakilala sa iba’t ibang mga bagay, ideya, o mga pangyayari bilang miyembro ng kaparehong klase nito. Ang salitang “mansanas” bilang halimbawa, ay nagdadala sa isipan ng mga katangian tulad ng anyo nito, hugis, kulay, bigat, at iba pa. Ang katalinuhan base sa kapasidad ng pag-iisip ng mga konsepto ng mga estudyante ang nakatutulong upang makilala ang paaralan sa buong mundo. Kapag matalas ang kapasidad sa pag-iisip ng mga konsepto an mga estudyante, ito ang magbibigay-daan sa kanyang paaralan upang makilala sapagkat ang mga konseptong ito ay maaaring magamit niya sa paggawa ng mga pagtutuklas at iba pa. Ang paraan naman sa pagtuturo ng paaralan ang siyang huhubog sa paraan ng pag-iisip ng mga estudyante. Kung ang pagtuturo ng isang paaralan ay nasa paraan na kung saan ay nakakapag-isip ng mga konsepto ang mga estudyante, ay tumutulong din ito sa pagtupad ng layunin ng paaralan na makilala sa buong mundo. Ang paraan din ng pagtuturo sa paaralan ay nagtutungo sa pag-unlad sa kapasidad sa pag-iisip ng mga konsepto ng isang tao.
Ang pagiging handa ng pag-iisip ay isa pang basehan sa katalinuhan ng isang tao. Ang isang matalinong tao ay laging handa sa pag-iisip ng iba’t ibang bagay. Halimbawa, sa paaralan, kapag ang guro ay nagbigay ng di-inaasahang pagsusulit, handa ang isang matalinong estudyante ukol dito. Siya ay handa sa pag-iisip anumang oras o araw. Ito rin ay ang madaliang pag-oobserba, pag-iintindi at reaksyon. Ang isang komunidad na laging handa sa pag-iisip ay madaling masosolusyunan ang mga suliranin nito. Halimbawa, ang isang komunidad na may mga taong laging handa ang pag-iisip ay hindi na pinapatagal ang isang suliranin at aaksyunan nila agad ito. Ito ay nagreresulta sa masaganang komunidad. Ganoon din sa ating mga sarili. Ngunit, paano nga ba tayo nakakapag-isip ng wasto sa iba’t ibang mga bagay?
Nakakapag-isip tayo ng wasto sa iba’t ibang aspeto sa pamamagitan ng makatarungang panghuhusga. Ang isang makatarungang panghuhusga ay nagmumula din sa isang matalinong tao. Ang isang makatarungang panghuhusga ay kumikilatis sa iba’t ibang aspeto ng isang suliranin. Masasabing makatarungang ang isang panghuhusga kapag wala itong kinikilingan. Ito rin ay tulad sa mga konsepto na tinatawag ding common sense at tamang kaalaman. Matatawag na matalino ang isang tao kapag siya ay may common sense at may tamang kaalaman sa pag-iisip ng isang partikular na bagay. Ang common sense at tamang kaalaman ay nakukuha ng tao sa kanyang pag-iisip o katalinuhan. Ang isang taong naimpluwensiyahan ng mga pagtuklas, naniniwala sa mga kasabihan, gumagawa ng mga desisyon na masasabing may kinikilingan ay hindi nagkakaroon ng makatarungang panghuhusga o pag-iisip. Ang hindi makatarungang panghuhusga ay hindi karapat-dapat sa isang matalinong tao. Ang isang matalinong tao ay nag-iisip ng tama at makatarungan.
Sa kabuuan, may iba’t ibang basehan sa tunay na katalinuhan. Ang katalinuhan ay may kapasidad na makapulot ng mga bagong ideya. Ang taong may taglay na katalinuhan ay may abilidad sa pagkatuto. Ang matalinong tao ay may kapasidad sa pag-iisip ng mga konsepto. Siya rin ay nagtataglay ng pagiging handa ng pag-iisip. May makatarungang panghuhusga rin ang taong matalino. Ang katalinuhan ay nakatutulong sa pagpapaunlad ng sarili. Lumalawak ang kaisipan ng tao habang siya ay natututo at nagtataglay ng katalinuhan. Habang dumarami ang kanyang natutuklasan na mga bagong ideya ay tumutulong din siya sa pag-unlad ng kanyang sarili. Nalalaman niya ang kanyang layunin at nagsisikap na makamit ito upang siya ay umunlad.
No comments:
Post a Comment