Sunday, August 9, 2009

ang kabataan sa bagong milenyo

Mula sa isang pintig na nabuhay sa isang sinapupunan ng ina, inalagaan ng siyam na buwan, ipinanganak at nagkaroon ng bagong mundo mula ng isilang. Sa paglipas ng panahon, lahat ay nagbago. Panahon kung saan nagkaroon ng isip, sariling pananaw at isang katauhan. Hindi lang sa paglaki ng sukat at timbang kundi sa paglago ng isang katauhan. Bawat tao ay makaranas na maging isang kabataan.Ngunit ano nga ba ang kabataan? Kabataan ng bagong henerasyon…ng bagong milenyo? Ibang iba nga ba ito sa nakalipas na panahon? Maituturing pa nga ba na ang kabataaan ay pag-asa ng bayan? Sino at ano nga ba ang kabataan sa bagong milenyo.

Ngayon ang kabataan sa makabagong panahon, ay ibang iba kung maituturing. Kadalasan sakit ng ulo, rebelde at liberated. Di marunong pagsabihan, di makaintindi, walang galang, mabisyo- alak, sugal at sigarilyo. Ito daw ang gusto nila! Ang iba naman ay pakalat kalat sa lansangan, mga palaboy, may hawak na patalim, baril, droga at rugby.

Pero naisip ba natin, kung bakit sila ganito? Alam ba natin ang dahilan kung bakit nila sinisira ang kanilang mundo? Wala. Wala tayong alam! Ang alam lang natin ay husgahan sila at maging bulag sa katotohanan.

Di lahat ng kabataan ay matuwid, nag aaral, magalang at masasabing kapakipakinabang sa murang edad pa lamang. Masasabi ngang di panatay pantay ang tao sa mundo, may mas nakakaangat at mayroong tinatapon sa lansangan na parang walang pakinabang.

Ang kabataan, madalas nagkakamali, nasasaktan pero dito sila nagiging malakas. Nabubuhay sila sa isang kuwebang madilim at nais makahanap man lang ng kaunting liwanag. Nabubuhay sila sa dilim, kung saan, kulang sila sa pansin, pag aaruga at pag mamahal. Iyon siguro ang dahilan kung bakit sila gumagawa ng kapalpakan. Upang mabigyan ng pansin, simpatya, pag aalaga at pag mamahal.

Ang kabataan ay isang estado ng tao o panahon nila na kung saan sila ay bumubuo ng isang katauhan, na magagamit nila sa kanilang pag tanda. Nagkarakaroon sila ng sariling isip pananaw at kalayaan. Kadalasan sila ay di maintindihan, puro pag kakamali at laging nasasaktan. Naririnig sa kanila ang hikbi, makikita ang lungkot sa kanilang mga mata, may sakit at pighati sa kanilang mga puso. Pero iilan lang ang nakakarinig, nakakakita at nakakaramdam. Lahat sila ay bingi, bulag at manhid sa na nararamdaman ng iba.

Hindi nila kasalanan kung anu ang buhay nila ngayon. Biktima din lang sila , na kanilang pangangailangan at emosyon. Magkamali man sila ng ilang beses, isang daang beses o ilang libong beses, tao din sila, na habangbuhay…may karapatan din silang magbago.

Kabataan sa bagong milenyo, kadalasan nahuhusgahan pero di ito ang kailangan nila. Patnubay at pagmamahal yun ang dapat sa kanila. Kahit ano pa man sila ngayon, tatanda at magtatanda rin sila at magiging pag asa ng bayan. Sila ang magiging instrumento sa pag babago at kaunlaran. Pag mamahal at pag titiwala yan ang kanilang inaasahan. Hanggat marunong silang mangarap at may naniniwala pa sa diyos… Di pa huli ang lahat. Yan ang kabataan, madupilos, madapa man… babangon pa rin, tatalon…sasabay sa makabagong tugtugin ng bayan at hinding hindi mawawalan ng pag asa. Ang kabataan ng bagong milenyo, buhay at bagong liwanag ng susunod na henerasyon. Sila ang magiging pag asa ng ating bayan.

4 comments: