Mga Pananaw Sa Mga Apat Na Aspeto Ng Buhay
By Tawid News Team
Published Nov 12th, 2007 and filed under Essay
Bookmark and Share
Napakalawak ang pananaliksik at pag-aaral ng mga aspeto ng buhay. Napakaraming sanga nito. Ngunit, ang sinulat na ito ay nakapokus sa pananaw na pamantayan ng pamumuhay.
Wala akong pakialam sa buhay ng may buhay. Naniniwala lamang ako na dapat ay may pamantayan ang pamumuhay.
Hindi pagdidikta o paggigiit ang sinulat na ito na siyang masusunod. Sa malayang lipunan, ang sinuman ay napakalayang magpahayag ng kanyang pananaw at damdamin.
Ang unang kong tatalakayin ay ang sosyal na aspeto. Ano nga ba ang sosyal na aspeto? Paano ba pakikinabangan ng tao ang aspetong ito? Ano kaya ang mangyayari kung wala ito?
Kung pinakikinggan ko ang kantang may linyang ganito, "walang sinoman ang nabubuhay/para sa sarili lamang/tayong lahat ay may pananagutan/ sa isa’t isa…", para na ring ito ang thesis o paksang ating tinatalakay. Idagdag pa natin ang siniping ito, “No man's is an island”. Halos magkaparehas ang dalawang siniping ito, ngunit iisa lamang ang kanilang tinatalakay, ang sosyal na aspeto ng buhay. Pakikisalamuha sa kapwa. Ang kagalingang makipagkapwa-tao ay hindi lamang para sa sarili, para rin sa lahat. Ang kasanayan ng aspetong sosyal na dapat paigtingin ay ang pag-uunawa sa pananaw ng iba, dahil ang taong may respeto sa iba ay may respeto rin sa sarili. Ang respetong ito ang daan para sa pag-uunawaan ng mga tao para sa ikakatagumpay, pagbabago at paghubog ng kanilang pamumuhay. Ang pakikitungo sa kapwa bilang iisang grupo ay isang pagpapatotoo hindi lamang bilang isang kaibigan kundi isang mamamayan. Sa puntong ito, na kabilang sa "grupo" mareresolba ang mga problema at sigalot, hindi lamang sa personal kundi pati na rin sa panlipunan. Ang mga sagwil o sagabal ng buhay ay malalapatan ng lunas sa pakikiisa, pakikisama, pakikibagay at pakikipagkapwa-tao. Ang sinumang walang kakayahang makisalamuha sa kanyang kapwa ay parang isang gusgusing langgam na nawalay sa kolonia. Nakakita na ba kayo ng kolonia ng langgam at sinuring mabuti ang kanilang pamumuhay? Iyon na mismo ang isang larawan ng aspetong sosyal.
Hindi ako santo, ngunit mas lalong hindi ako demonyo. Bakit, sino nga ba ang taong hindi pa naranasang magkasala? Ang aking pamantayang moral ay naaayon lamang sa aking pananaw. Isang pag-aaninaw o pagmamasid na mabuti kung ano ang tama o mali sa ginagawa, pananalita at pati na rin sa pag-iisip. Ang pagtatama sa isang mali ay isa sa maraming paraan upang matuto. Ang obligasyong moral ay paglalagay ng konsensya sa prinsipyo ng buhay.
Bakit kailangan ng tao ang isang matatag na prinsipyo? Katulad din ng sosyal na aspeto, ito’y para magkakaroon siya ng pamantayan ng buhay. Ang pamantayan ay parang isang sangang-daan, kung sa kaliwa o kanan ang patutunguhan. Anuman ang pinili, maitatala sa maalikabok na landas ng buhay ang mga ginawa, sinabi at inisip dahil ang moral na aspeto ay tungkol sa karakter at pag-uugali. Nakasalalay din sa aspetong ito kung ano ang uri ng lipunang ginagalawan. Kung ano ang pag-uugali at karakter ng mga mamamayan, iyun din ang kanilang lipunan. Tulad ng isang kasabihan: "Sabihin mo kung sino ang inyong mga kaibigan, at sasabihin ko naman kung sino ka."
Tungkol naman sa damdaming emosyonal. Pagkontrol sa sarili. E, ano kung walang kontrol sa sarili? Ang isang taong walang control sa sarili ay isang patpat na dinakma ng buhawi at kasa-kasama sa pananalanta ng lipunan, ng katahimikan, at sagabal sa pag-unlad. Dapat nga bang may kontrol ang tao sa sarili? Oo naman. Lalo na sa alimpuyo ng galit, takot at suklam. Ang taong hindi marunong magkontrol ng sarili sa mga negatibong damdamin, ay magiging isang takaw-gulo. At dahil magulo, pati lipunan na ginagalawan niya ay magulo.
Kasama ba ang pagmamahal sa emosyonal na aspeto? Kasama. Nakakalason din ang sobrang pagmamahal. Kaya marami ang "nabubulag sa pag-ibig" dahil sa sobrang pagmamahal at walang kontrol sa sarili. Ang pagkontrol sa sarili ay pag-iiwas upang di makapasakit at magkasala sa kapwa, sa lipunan, sa Diyos, at sa mismong sarili. Kahit sa a pakikinig lamang, kailangan ang kontrol sa sarili upang maintindihang mabuti ang pinakikinggang mensahe. Dahil ang tao kung minsan ay di marunong magkontrol sa sarili, napapariwara siya sa pagkakasala.
Ang pisikal na aspeto ay ang pagpapahalaga ng pisikal na katawan. Bakit? Dahil ang pisikal na katawan ang siyang trono ng tatlong unang tinalakay. Maaring hindi sapat ang implementasyon ng mga unang tatlong tinalakay kung hindi malusog ang tao dahil, ayon sa mga matatanda: "Ang taong malusog ang pangangatawan ay malusog din ang kanyang puso, pag-iisip at kaluluwa." Kadalasan, ang taong kumakalam ang sikmura ay di makapag-isip ng matino. Ang taong sakitin ay di makapag-isip ng maayos. Kaya dapat lang bigyan ng pagpapahalaga ang kalusugan.
Ang matuwid at tuwirang pananaw sa mga apat na aspeto ng buhay na tinalakay natin ay pamamantayan ng pamumuhay. Gabay ang mga ito. Katulad ng isang anak na kailangang maglakbay, binigyan siya ng ama ng isang lente para hindi siya maligaw sa kagubatan. Sa landas ng buhay, ang daigdig ay kagubatan. Tayong mga tao ay manlalakbay lamang. Ngunit binigyan din tayo ng Ama ng lente upang hindi tayo maligaw sa landas. Ang lenteng ito ang mismong tinalakay natin. May lente na ba kayo?#
ano po yung sinasabi mong lente?
ReplyDelete