Monday, June 28, 2010

KABIGUAN SUSI SA TAGUMPAY

Isang mapait na katotohanan ang buhay ay puno ng pagsubok na naghahatid sa atin ng kabiguan at ang mga kabiguang iyon ay nagdudulot ng kapaitan at pagdurusa sa ating katauhan.

Sino sa inyo ang naghahangad na maging bigo sa mga mithiin niyo sa buhay o naitanong niyo na ba minsan sa inyong sarili, nais ko ring mabigo ako paminsan-minsan? Nakatatawa nga naman, marahil sasabihin ninyong isang kahangalan ang tanong ko? Oo nga naman sino ba namang hangal ang gustong mabigo sa kanyang mga pangarap, lahat tayo ay nagnanais na maging matagumpay kung puwede nga lang sana sa lahat ng pagkakataon. Marahil kung walang hadlang o sagabal lahat ng ating mga pangarap ay kay daling makamit.

Subalit ilan kaya ang nag-iisip na sa bawat pagkabigo na kanilang nararanasan susi iyon upang sila ay magtagumpay?
Ang mga taong sumusuko pagkatapos ng mga kabiguan ay nagiging unfair lamang sa kanilang mga sarili. Parang sinabi na rin nila na ang buhay ay kinatha lamang ng isang pangyayari, kung hindi mo magawa iyon na yon!

Ano nga bang katangian ang dapat taglayin ng isang tao upang mapagtagumpayan niya ang lahat ng mga pagsubok. Sabi ng iba dapat maging positibo ang pananaw sa buhay. Paminsan-minsan oo nakatutulong din ito ngunit hindi niyo ba naisip hindi ito sapat, ang mundo ay puno ng mga taong may positibong pananaw subalit marami pa rin sa kanila ang hindi nagtagumpay sa kanilang mga pangarap sa buhay.

Bakit ito nangyayari? Sapagkat kulang ang kakayahan nilang makipaglaban sa mga mahihirap na pagsubok ng kanilang buhay. Agad silang sumusuko at humihinto. Madalas ang pagkabigo ay dinadamdam at ang utak ay hindi na pinagagana at ginagamit.

Isa sa mga nabasa kong kuwento sa aklat na “Dare to Fail Wisdom in Failure” tungkol sa buhay John Killcullen na kapupulutan ng maraming aral. Ang storya ng kanyang buhay ay pawang tungkol sa kabiguan, hindi tagumpay. Isa siyang baguhang manunulat na naghahangad na makilala ng publiko. Nang matapos ang sinulat niyang aklat nagsimula na niya itong ibinta subalit sa kasamaang palad hindi man lang napansin ang pinagpaguran niya ng maraming araw at gabi, ang masakit pa nito hindi niya mabilang kung makailang beses ibinasura ang kanyang aklat.

Pero kailanman hindi siya tumigil sa pangarap niyang mapansin at mapuri ang sinulat niya. Sa maraming pagkakataong nabasura ang aklat niyang yon, marami siyang natutunan at ang kabiguang iyon ang naging kanyang sandata upang magtagumpay. Kapag meron siyang gustong abutin ang tatlong bagay na ito ang ikinikintal niya sa kanyang isipan na nagpapalakas ng kanyang kalooban.

Una, huwag mawalan ng tiwala sa sarili.

Ikalawa, maging positibo ang pananaw sa buhay na may kalakip na determinasyon.

Ikatlo, ilarawan sa isip ang tagumpay at higit sa lahat dapat na mayroon kang paniniwala na ikaw ay magtatagumpay. Iyon ang mga sikreto niya upang magtagumpay sa kanyang mga mithiin sa buhay.

Para sa kanya ang kabiguan ay isang pag-aalam sa ating kamalian. Sa bawat pagkabigo na nararanasan niya para sa kanya lalo lamang itong nagpapasigla sa kanya upang magsikap ng mabuti hanggang siya ay magtagumpay.

Kapag merong nagsasabi sa kanya na malabo niyang magagawa iyon, lalo lamang siyang naging determinado na mapagtagumpayan niya iyon.

Kung ang lahat ng tao ay may pananaw tulad John marahil lahat halos ng tao naging matagumpay sa larangan ng kanyang pinili. Ang totoo, lahat ng tao ay maaaring magtagumpay kung nanaisin lamang nila, kung ang layunin nila ay dakila walang imposible.

Mga kaibigan ang kabiguan ay isang pagsubok lamang, na naghuhudyat na marami pa tayong dapat na matutunan. Talagang nakakasakit sa ating kalooban ang hatid ng kabiguan at mahapdi ang paraan ng pagpapamulat subalit huwag mong isipin na hanggang dito na lang ang kaya mo, nagpapahiwatig lamang ito na may kulang pa sa kakayahan mo at galingan mo pa sa susunod.

Mga paraan na hindi mo pa nagawa ang dapat mong subukan kung sakaling hindi mo pa rin magawa. Huwag mawalan ng pag-asa, tibayan mo ang iyong loob, tumayo ka sa pagkakarapa at harapin ang mga pagsubok buhay.

Pakatandaan mong hindi sa lahat ng pagkakataon tayo ay magtatagumpay, ngunit isipin mong marami pang bukas na naghihintay na maipakita mo ang iyong galing. Huwag kang matakot na magkamali, maging masaya ka at nakita ng iba ang iyong mga pagkakamali at ito’y naituwid.

Sabihin mo sa iyong sarili mas naging marunong ka ngayon kaysa kahapon. Sa bawat pagkakamali at kabiguan na iyong makakasalamuha pulutin mo ang mga aral na iyong nakuha at gawin mo itong sandata sa pagkamit mo ng tagumpay. Ang wika nga ni Thomas Edison “ Don’t call it a misatake. Call it an education.”

No comments:

Post a Comment